December 6th, 2007
Bakit Pati Istarbaks, Akrasia na rin?
Nasa eskwelahan ako ngayon, dapat babagtasin ko na muli ang mahabang daan ng syudad pauwi sa moog ko sa Cavite. Sa wakas, malapit ko nang matapos ang Master's Degree ko sa Komunikasyon- dalawa't kalahating taon di na rin masama.
Pauwi na sana ako ngunit aking naisip na marahil ay tingnan ko muna ang aking e-mail para malaman kung may bagong mensahe ba sa akin ang aking mga kliyente- bigla ko naisip di na ata ako mabubuhay ng walang kompyuter at internet. Sa aking pag tsek ng aking mga blog, nasa likod ng aking isipan ang masarap na frap na iinumin ko mamaya sa Starbucks kasama ng aking kaibigan.
Naisip kong muli ang Pilosopiya ni Sartre. Sabi nya, ang lahat ng desisyon na ginagawa ng tao sa kanyang buhay ay mga desisyon na hindi lamang nakakaapekto sa kanyang sarili. Lahat ng desisyon na ginagawa nya ay desisyon na para sa sangkatauhan.
Ang pagtatapos ko sa aking Master's Degree ay isang bagay na marahil sa isang banda ay makikita na personal kong tagumpay, pero sa pagkonsidera sa sinabi ni Sartre, maaring ang karagdagang kaalaman na ito ay maging daan upang lalong lumalim ang aking hinagpis. Hinagpis na kung saan ay mararamdaman ng aking mga nakakasalamuha araw-araw at maaring makaapekto sa kanilang buhay.
Bigla ko tuloy naalala ang mga Eksistensyalista- mas masaya ang maging mangmang, sapagkat sa bawat kaalaman na dumadagdag sa isang tabula rasa, lalong lumalalim ang kanyang hinagpis.
Ang aking pagka-adik sa internet at teknolohiya ay marahil ang aking kontribusyon sa tinatawag ni Heidegger na pagiging "standing-reserve" ng tao sa naunang nasabi- isang akto kung saan ang tao ay nagiging alipin ng isang bagay na dapat sana ay makakapag paganda ng kanyang buhay.
Ang pagkasabik ko sa frap sa Starbucks ay isang tanikala dadagdag sa pagkakulong sa Pilipinas sa kamay ng mga kapitalista. Pero ano ang aking magagawa, wala namang tahimik at ligtas na lugar sa Maynila na kung saan may nag bebenta ng masarap na inumin na maraming krema.
Sa aking pagmumuni-muni sa mga bagay na ito, lalo kong nararamdaman ang tinatawag na realidad na ginawa ng lipunan. Ang taong lumaki sa isang partikular na kultura at uri ng pamumuhay ay mahihirapang kumilos ng iba.
At muli- ngayong araw- nakipag niig nanaman ako sa tinatawag kong Akrasia.