January 2nd, 2009
Karamdaman
Tumanghod ako mula sa pintuan at nakita ko na kulay ube na ang langit- pagtingin ko sa orasan ng aking laptop, 6:25 na pala ng umaga- ito na ang pangalawan araw ng 2009 na lagi akong inaabutan ng liwanag. Marahil mahihirapan na akong muling bumalik sa dati kong biological clock kapag panahon na muling pumasok sa opisina.
Sa aking pagbabalik tanaw sa panahong 2008, masasabi ko na nagsama-sama na dito ang pinakamaganda at pinakamasamang bagay na nangyari sa aking buhay. Ang pagpasok ng bagong taon, ay isa nanamang taon ng matinding paghamon- mga pag-hamon na hindi ko alam kung kaya ko bang malampasan.
Na-diagnose ang aking Ina ng unang stage ng Breast Cancer ng Disyembre ng taong nakalipas. Bilang panganay at bread winner ng aming pamilya, alam ko na ito ay isang malaking responsibilidad na kailangan ko nanamang tugunan. Mahal ko ang aking Ina, at nangako ako sa aking sarili na ibibigay ko ang pangangailangan ng aking pamilya sa abot ng aking makakaya. Pero napakahirap- lalo na ngayong umalis na ako sa freelance writing firm na aking pinagtratrabahuhan- ngayon nakasalalay na ang aking kita sa kakarampot na sinusweldo ko sa opisina. Bisperas ng bagong taon, nagkukumahog ako sa internet para maghanap ng ibang pagkakakitaan- nag sign-up ako sa iba't-ibang freelance writing companies. Isang araw pa lang ang lumilipas, ngunit pakiramdam ko ay ni-reject na ako ng lahat ng mga ito- wala pa akong nakukuhang sagot. Ang ilang bids ko sa dalawang proyekto ay na-decline. Marahil bubot pa talaga ang aking karanasan kumpara sa ibang mga consultant na aking kasabayan.
Matindi ang aking pangangailangan ngunit ang mga alternatibong paraan na aking gustong tahakin ay hindi umaayon. Bagamat ang aking Boss ay nangako na ako ay kanyang i-pro-promote, hindi ko naman maaring i-asa dito ang buong pinansyal na pangangailangan ng aking Ina. Maraming oras na gusto kong umiyak, ngunit tila manhid na ang katawan ko sa paghihinagpis at paghihirap- hindi na ito tumutugon sa normal na paglalabas ng sama ng loob. Bagkos araw-araw ay punong-puno ng galit ang aking isipan-galit na nailalabas ko sa ibang tao- sa tao na lagi kong kasama sa lahat ng aking mga problema.
Madalas naiisip ko na bakit pilit kong kinakaya ang bagay na hindi posible? Binibigyan ko lang ng dagdag na problema ang aking isipan, ang aking katawan. Pero hanggang ngayon ay buhay pa rin sa ala-ala ko ang gabing iyon- ang gabi na tila nakipag-kasundo ako kay Kamatayan. Ang pangako ng panibagong buhay, kapalit ng dedikasyon na gagawin ang lahat para sa kanila- para sa aking Ina at mga kapatid. Ang dugo na lumabas sa aking katawan at umagos papunta sa malamig na sahig ay mistulang pakikipagkasundo na wala ng atrasan. Ito na ang aking tadhana, at hindi na ako makakaalis pa.
Sa aking pag-tulog pag patak ng alas-siyete ng umaga, umaasa ako na sa aking pag-gising ay may laman na ang aking e-mail. Umaasa ako na magkakaron ng solusyon ang lahat- umaasa ako na makikinig ang Langit- na sana kung meron nga talagang Diyos, ay kaawaan nya ako. Nakakatawa, kahit matagal ko nang tinanggal sa aking sistema ang pag-asa sa isang likhang isip na nilalang, hinahanap-hanap pa rin ng aking isipan ang pagkakaroon ng isang nilalang na masasandalan. Pero alam ko, na mag-isa lang ako sa mundong ito- at ang aking mga problema ay mananatiling tinik kung hindi ako gagawa ng sarili kong paraan.
At muli, ang akrasia ko ay mas lalong lumalim- bumigat. Ang paghahanap ko ng ganap na kasiyahan, ay mananatiling suntok sa buwan.